Para Kay Noynoy, Para sa Pinoy
Sign Now
Bilang iyong tugon sa panawagan ng mga taumbayan sa iyong pagtakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan sa 2010, binigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili upang mapag-isipan ang maaaring magiging pinakamabigat na desisyon na iyong haharapin. Kailan lamang, nanawagan ka sa aming lahat na sumusuporta sa iyong pagtakbo na magsuot o maglagay sa paligid ng dilaw. Kasama ng aming pagsunod sa iyong hiling bilang aming taos-pusong pagsuporta sa iyo at sa alaala ng iyong mga yumaong magulang, handog namin itong mapagkumbabang katok sa iyong makabayang loob.
TAMA NA!
Sawa nang maghirap ang mga OFW para makapagpadala ng kakarampot na kita sa kanilang mga pamilyang tiniis na hindi makita.
Sawa nang magtiis ang mga mahihirap sa hirap at gutom habang ang kanilang mga kongresista ay nagpapakasaya sa nakaw sa kabang bayan.
Sawa nang umintindi ang taumbayan sa pamahalaang nagmamalinis sa bawat desisyong bibitawan nito kahit lantaran ang bahid ng pang-aabuso.
Sawa na ang bayan sa mga opsiyal na nasa pwesto dahil lamang sa utang na loob.
Sawa nang magdemonstrasyon ang mga kabataan na mas kinakailangan na mag-aral at makapagtapos.
SOBRA NA!
Kailangan ng mga negosyante ng malinis na gobyernong hindi na kailangan pang padulasan.
Kailangan ng bayan ang mga ahensyang pinatatakbo ng mga karapatdapat na eksperto.
Kailangan ng taumbayan lalo na ng kabataan ng pinunong magiging ehemplo ng disente at marangal na pamumuhay at paniniwala.
Kailangan ng bayan ng tapat at epektibong gastusin upang maiwasan ang umutang para lamang sa ikayayaman ng iilan.
Kailangan nang sumulong ng kamalayang ipinamana ni Ninoy at Cory sa ating lahat upang tumaas ang antas ng pamumuhay at pag-iisip ng bawat Pilipino.
PALITAN NA!
Ikaw lang Noynoy ang pwedeng kumatawan sa TUNAY na pagbabagoang pagbabagong pinangarap na ihandog ng iyong bayaning ama at sinimulan ng iyong minamahal na ina. Hindi lang ang oposisyon ang kailangang magkaisa kundi ang buong bansa. Sana nga magkaisa na ang lahat ng naghahangad ng maganda sa ating bayan. Sana maisip ng ibang nagmimithing maging pangulo na mas mabuting magsama-sama na lamang para sa malakihang kampanya para sugpuin ang nagnanais ilugmok ang bayan sa kumunoy ng katiwalian, imoralidad at kahirapan. Ayaw na naming pagsisihan ang magiging resulta ng susunod na halalan. Maraming taon na rin tayong nagdusa.
Noynoy, pangunahan mo ang ating LABAN. Ito ang laban na pangungunahan sana ng iyong ama kung hindi sya binaril. Ito ang laban na hanggang sa huling hininga na iyong ina, ninais nyang magtagumpay.
Sabihin man ng iba na hindi mo plinanong tumakbo bilang pangulo sa nakalipas na mga taon, alam ng bayan na ang mas mahalaga ay ang iyong kakayanan at integridad. At sa dinami-rami ng problemang mamanahin ng susunod na pangulo, hindi mo kakayanin mag-isa.
Pangako, hindi ka lang naming tutulungan maging pangulo kundi ihahalal din namin mula sa konsehal hanggang sa pangalawang pangulo ang mga tatakbong tunay na magiging instrumento ng tunay na pagbabago.
Tama ka, hindi kailangan ng bayan ng isang Aquino sa tuwing may kakaharapin na bulok na pamahalaan. Noynoy, hindi ka nag-iisa DAHIL MILYUN-MILYON KAMING SASAMA SA IYONG KAMPANYA.
Tunay nga Noynoy, PANAHON NA!
If you already have an account please sign in, otherwise register an account for free then sign the petition filling the fields below.
Email and password will be your account data, you will be able to sign other petitions after logging in.
Continue with Google